Sa ikatlong bahagi ng Sunflower Series, nais kong magpasalamat sa lahat ng aking naging propesor sa buong apat na taon ko sa Unibersidad ng Pilipinas.
Hindi ito magiging mahabang kwento, o litanya ng pasasalamat subalit isang maikling mensahe na sa tingin ko ay lubos na sasaklaw sa lahat ng natutunan ko sa UP.
Salamat sa inyong lahat sa tiyaga, talino, hirap at pagod na inilalaan ninyo para sa aming mga mag-aaral. Hindi ko lubos maisip kung gaano kahirap ang magturo sa UP. Hindi kami ordinaryong estudyante. Hindi sa minamaliit ko ang iba, pero aminin na natin iba mag-isip ang mga tao sa UP. Mula kami sa iba't ibang estado sa buhay, iba’t ibang pananaw at iba’t ibang paniniwala at kulturang kinabibilangan. Alam kong mahirap at hindi kayang ipahayag ng tanging salita lamang ang hirap na dinaranas ninyo sa pagtuturo sa amin. Kaya salamat dahil hindi kayo nagsasawa.
Salamat din dahil alam ko na minsan kahit magkakaiba tayo ng paniniwala at pananaw sa mga isyu at usapin sa ating buhay, hindi kayo tumitigil na hubugin ang aming mga isipan upang matuto kaming tumayo sa aming mga paa. Maging ang opinyon man namin matapos ang kurso ay kaiba sa inyong opinyon, ang mahalaga natuto kaming magmasid, at gumawa nang sarili naming punto ukol sa usapin.At hindi doon nagtatapos ang buhay UP. Natuto rin kaming ipagtanggol kung ano ang alam naming tama, ang iniisip naming tama para sa ikauunlad ng bayan.
Salamat at hindi kayo nagsasawa sa inyong propesyon. Buhay na nga nang iba ang pagtuturo sa UP at hindi na nila alam kung saan sila pupulutin kung hindi na sila natuturo. Swerte ako at naging mag-aaral ninyo ako. Swerte ako na kahit hindi ako modelong estudyante, alam ko sa sarili ko na marami akong napulot na aral mula sa inyo. Swerte rin ako na hindi natapos sa loob ng silid aralan ang ating mga pag-aaral. Pinakita ninyo sa akin na minsan sa labas rin ng silid hanggang sa kalye natuto ang isang tao.
Dahil bandang huli, hindi lang sa UP nagtatapos ang pag-aaral. Hindi ang pagkakamit ng diploma o ng karalangang Latin ang mahalaga. Kundi, ang mahalaga ay ang pagkatuto at paggamit nito sa tunay na buhay. Sa UP hindi sapat na mayroon kang opinyon sa mga isyung panlipunan. Mas mahalaga na maipagtatanggol mo ito sa paraang verbal, pisikal, ispirituwal at mental anu’t ano pa man ang pagdaanan mo sa buhay. Sapagkat bandang huli hindi natatapos ang pakikibaka sa buhay sa teorya. Kaya salamat mga Sir at Ma’am sa pagbubukas sa aking mga mata at isipan kung ano nga ba ang tunay na mahalaga.