Wednesday 23 April 2014

Ikatlong Kabanata: Ang mga Guro

 

Sa ikatlong bahagi ng Sunflower Series, nais kong magpasalamat sa lahat ng aking naging propesor sa buong apat na taon ko sa Unibersidad ng Pilipinas.

Hindi ito magiging mahabang kwento, o litanya ng pasasalamat subalit isang maikling mensahe na sa tingin ko ay lubos na sasaklaw sa lahat ng natutunan ko sa UP.

Salamat sa inyong lahat sa tiyaga, talino, hirap at pagod na inilalaan ninyo para sa aming mga mag-aaral. Hindi ko lubos maisip kung gaano kahirap ang magturo sa UP. Hindi kami ordinaryong estudyante. Hindi sa minamaliit ko ang iba, pero aminin na natin iba mag-isip ang mga tao sa UP. Mula kami sa iba't ibang estado sa buhay, iba’t ibang pananaw at iba’t ibang paniniwala at kulturang kinabibilangan. Alam kong mahirap at hindi kayang ipahayag ng tanging salita lamang ang hirap na dinaranas ninyo sa pagtuturo sa amin. Kaya salamat dahil hindi kayo nagsasawa.

Salamat din dahil alam ko na minsan kahit magkakaiba tayo ng paniniwala at pananaw sa mga isyu at usapin sa ating buhay, hindi kayo tumitigil na hubugin ang aming mga isipan upang matuto kaming tumayo sa aming mga paa. Maging ang opinyon man namin matapos ang kurso ay kaiba sa inyong opinyon, ang mahalaga natuto kaming magmasid, at gumawa nang sarili naming punto ukol sa usapin.At hindi doon nagtatapos ang buhay UP. Natuto rin kaming ipagtanggol kung ano ang alam naming tama, ang iniisip naming tama para sa ikauunlad ng bayan.

Salamat at hindi kayo nagsasawa sa inyong propesyon. Buhay na nga nang iba ang pagtuturo sa UP at hindi na nila alam kung saan sila pupulutin kung hindi na sila natuturo. Swerte ako at naging mag-aaral ninyo ako. Swerte ako na kahit hindi ako modelong estudyante, alam ko sa sarili ko na marami akong napulot na aral mula sa inyo. Swerte rin ako na hindi natapos sa loob ng silid aralan ang ating mga pag-aaral. Pinakita ninyo sa akin na minsan sa labas rin ng silid hanggang sa kalye natuto ang isang tao.

Dahil bandang huli, hindi lang sa UP nagtatapos ang pag-aaral. Hindi ang pagkakamit ng diploma o ng karalangang Latin ang mahalaga. Kundi, ang mahalaga ay ang pagkatuto at paggamit nito sa tunay na buhay. Sa UP hindi sapat na mayroon kang opinyon sa mga isyung panlipunan. Mas mahalaga na maipagtatanggol mo ito sa paraang verbal, pisikal, ispirituwal at mental anu’t ano pa man ang pagdaanan mo sa buhay. Sapagkat bandang huli hindi natatapos ang pakikibaka sa buhay sa teorya. Kaya salamat mga Sir at Ma’am sa pagbubukas sa aking mga mata at isipan kung ano nga ba ang tunay na mahalaga.

Tuesday 22 April 2014

Isang Pasasalamat at Isang Pamamaalam

 

Habang aking binabagtas ang kahabaan ng University Avenue sakay ang SM North na Jeep at katabi si Manong Driver kaninang hapon, may isa akong napagtanto. Napagtanto ko na ito na ang isa sa mga huling paglalakbay ko sa UP bilang isang mag-aaral. Naaalala ko pa noong unang beses kong binagtas ang daang ito kasama ng Nanay ko para pumunta sa Vinzons Hall at mag-aaply sa STFAP noong Marso 2010 bago pa man ako opisyal na magtapos ng sekondarya. Ito ang unang beses kong pumunta ng UP ng walang sariling sasakyan. Iisa lang nasa isip ko noon: WOW!

At bumalik tayo sa kwento, habang binabagtas ko ang kahabaan ng University Avenue kanina, naisip ko na sa huling blog ko, mayroon akong nalimutang pasalamatan. Sila ang mga personalidad na humubog at kumalinga sa buong buhay UP ko. Sila ang mga taong nakilala ko sa UP at mga taong kilala ko na bago pa ako tumapak sa UP. Sila ang mga taong naging insiprasyon ko sa buong apat na taon ko sa UP. Salamat sa inyo, kilala nyo na kayo.

Subalit sa bahaging ito ng aking blog post, nais ko lamang magbanggit ng ilang tao upang pasalamatan at magpaalam.

Salamat Criselda. Kahit sandali lang tayo nagkakakilala, lahat ng sandali na magkasama tayo ay tumatak sa puso ko. Maraming salamat soulmate! Kahit minsan borderline creepy ang ating pagmamahalan (ayieee~~), salamat kasi lagi mo ako in-encourage lalo na sa pag-fangirl. Salamat kahit di tayo productive dalawa pag magkasama tayo. Masaya naman tayo. Salamat kasi kahit nasa ibang bansa ka, alam kong hindi mo ko makakalimutan. Love you! Paalam na rin, Criselda. Dito na nagtatapos ang paglalakbay ko bilang estudyante ng UP. Paalam dahil di tayo magkikita sa loob ng mahabang panahon. Paalam sapagkat di tayo nakapag-uusap. Pero kahit ganun, asahan mo na sa araw ng pagbalik mo, gagawa ako ng paraan para makita ka! (Thank you, Criselda. Even if we’ve only known each other for a short period of time, every moment with you has been etched in my heart. Thank you very much, soulmate! Even if our love –very platonic love – is borderline creepy, I still thank you because you always encourage me, especially on my fangirling. Thank you even if we aren’t productive when we’re together. We’re still happy and having fun! Thank you because even if you’re abroad, I know you don’t forget about me. Love you! Farewell, Criselda. This marks the end of my journey as a UP student. Farewell because we won’t see each other for a long time. Farewell because we won’t speak to each other. Yet even if that’s our case, rest assured that when you go home, I will try my best to meet you!)

Salamat kina Raiza at Koleen. Salamat na kahit mahirap ay sama-sama tayong nagtagumpay sa ating thesis, at huling taon sa UP. Salamat sapagkat naging kabahagi kayo ng aking paglalakbay bilang mag-aaral ng UP. Salamat na kahit minsan iritable ako, kayo pa rin ang kasama ko. Oo nga at ngayong ika-apat na taon na lang tayo nagkasama subalit ito ang pinakamahalaga para sa akin. Sama-sama tayong naging masaya, sama-sama tayong naghirap at sama-sama tayong nagtagumpay! Paalam, Raiza at Koleen! Sa Linggo, haharap tayo sa panibagong yugto ng ating buhay. Sa ating pagharap sa kinabukasan, isa lang ang hiling ko. Sana ay hindi natin malimutan ang isa’t isa, ang ating pagkakaibigan. Anuman ang ating kaharapin, sana dumating ang araw na aalalahanin natin ang mga pagkakataong magkakasama tayo. Salamat!

At higit sa lahat, salamat Nay. Alam kong alam mo na mahal na mahal kita. Salamat Nanay sa lahat ng paghihirap. Salamat Nay sapagkat ramdam na ramdam ko na ang lahat ng paghihirap mo ay para sa akin. Asahan mo Nay, balang araw masusuklian din kita. Kayo ni Daddy at ni Ate. Salamat.

Ilang araw na lang ang nalalabi at haharap na ako sa aking kinabuksan. Real world, here I come. Pero bago ang lahat, nais kong magpasalamat sa UP. Salamat sa pagkalinga at paghubog sa aking isipan at pagkatao. Hindi ko kalilimutan ang pagiging Iska ko, nasaang panig man ako ng mundo. Salamat, UP!

Monday 21 April 2014

Wakas: Bagong Simula

Apat na taon na rin pala ang nakalipas mula nang una akong tumapak sa lupa ng Unibersidad ng Pilipinas upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Tsamba nga lang na nakapasa ako sa paaralang ito sapagkat ni hindi ko man lang narinig ang pinili kong kurso bago ako mag-third year high school, subalit ito lamang ang natatanging paaralan na may tsansa akong makapag-aral sapagkat wala naman kaming pera upang mag-aral sa iba.

Masasabi ko na ang pagpili sa BA Linguistics bilang first choice course ko noong application process ng UPCAT ang isa sa pinaka-maiging desisyon na ginawa ko. Kahit hindi ako pamilyar sa kung ano ba ang mayroon sa Linguistics, walang kakaba-kabang sinabak ko ito at hindi naglaon ay nagustuhan at natutuhan ko rin itong mahalin.

Salamat sa lahat ng naging parte ng buhay UP ko. Kung wala kayo, sigurado akong hindi ganito ang kalalabasan ko. Maaaring mas malala (joke lang!). Salamat sa batch 2010 – kina Jazzel, Erika, Anne, Ally, Chiara, Ellyn, Kebong, Kai, Ate Jillie, Karl, Claudine – salamat sa lahat ng alaalang ibinigay nyo mula sa Lingg 110 hanggang 125, 190, 199 at kahit sa Kas 114! Salamat at pinagtiyagaan ninyo ang aking kakulitan. Salamat sa graduating batch 2014- Ate Lau, Ate Tel, Ate Aly, Ate Grazie, Gail, Tenten, Ate Riz, Ate Pao, Kuya Kevin, Kuya Layton, Ate Jean – salamat sa pag-alalay at pag-encourage sa akin at sa buong batch na rin natin dahil kung hindi dahil sa inyo, hindi buo ang batch na ito! Salamat sa katuwaan, at mga iyakan. Salamat sa pag-fangirl at sabay-sabay na pag-cram ng mga papel. Salamat kahit minsan alam kong nakakairita ako at ang mga opinyon ko, nandyan pa rin kayo para sa ating pagpapalitan ng kuro-kuro.

Salamat UP LAYAP, sapagkat kayo ang humubog sa aking pagmamahal sa wika, hindi lang sa wikang banyaga, kundi higit lalo samga wika sa Pilipinas. Salamat sapagkat ipinakita ninyo sa akin na ang pagmamahal sa wika ay nagsisimula sa pagkilala ng kanilang pagkakawangis at pagkakaiba. Salamat sapagkat binigyan ninyo ng daan ang pag-unlad ng pagmamahal na ito. Salamat sapagkat hindi kayo nanghusga kung papaano ba dapat mahalin ang wika. Sapat na naging kabahagi ako sa maikling panahon ng inyong adhikain. At umasa kayong patuloy kong itataguyod ang mithiin ng isang Layapeep! Patuloy akong lilipad!

Salamat sa pamilya ko, mula kay Nanay at Daddy, kay Ate, Kuya, Ate Angel, kahit sa pamangkin ko na makulit, Jayzie. Salamat din kina Papa Wewen, Ate Wilma, Mommy Rosel, Papa Marvin, Lola Linda, Lola Ely, Ate Wena, Ate Onai, Kuya Ron, at sa marami ko pang kamag-anak na walang sawang sumusuporta sa aking pag-aaral. Weird nga ako kasi gusto mag-aral at matuto na lang lagi. Pero alam ko na mahal at kahit kailan susuportahan pa rin nila ako.

Higit lalo maraming pasasalamat ang inaalay ko sa Ama. Maraming pagkakataon din na ginusto ko nang bumigay dahil sa hirap ng buhay. Nariyang halos di ko mabayaran ang tuition fee ko, o halos bumagsak ako sa isang kurso, o di kaya’y hindi ko matapos ang isang requirement o bumibigay na ang katawan ko sa sakit. Subalit iisa lang ang aking naging takbuhan. Ipinagpasalamat ko na ng personal ang lahat ng aking dapat ipagpasalamat sa Kanya. Isa lang ang tangi kong hiling, na sana sa mga susunod pang taon ng aking buhay, Siya pa rin ang aking makasama.

Sa araw ng Sabado at Linggo, magbabago na ang aking buhay. Magtatapos na ako at makukuha ko na ang aking diploma at Bachelor’s degree. Magtatapos na ang isang bahagi ng aking buhay, at opisyal na akong mamamaalam sa isang mukha ng aking buhay, at haharap na may bagong mukha, at bagong pananaw sa mundo. Haharap akong taglay ang lahat ng natutunan ko sa loob at labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Haharap akong taglay ang tatak ng UP, taas-noong kakaharapin ang pagsubok sa buhay sapagkat ako’y isang Iska, matapang, matalino, di sumusuko at si umuurong.

Salamat UP! Salamat at binigyan mo ako ng pagkakataong maipakita sa mundo na kaya kong makipagsabayan sa matataas mong ekspektasyon! Salamat UP! Asahan mong hindi kita bibiguin, UP. Salamat UP!

Paalam UP! Hindi ito ang huli nating pagkikita, mahal kong UP!