Tuesday 22 April 2014

Isang Pasasalamat at Isang Pamamaalam

 

Habang aking binabagtas ang kahabaan ng University Avenue sakay ang SM North na Jeep at katabi si Manong Driver kaninang hapon, may isa akong napagtanto. Napagtanto ko na ito na ang isa sa mga huling paglalakbay ko sa UP bilang isang mag-aaral. Naaalala ko pa noong unang beses kong binagtas ang daang ito kasama ng Nanay ko para pumunta sa Vinzons Hall at mag-aaply sa STFAP noong Marso 2010 bago pa man ako opisyal na magtapos ng sekondarya. Ito ang unang beses kong pumunta ng UP ng walang sariling sasakyan. Iisa lang nasa isip ko noon: WOW!

At bumalik tayo sa kwento, habang binabagtas ko ang kahabaan ng University Avenue kanina, naisip ko na sa huling blog ko, mayroon akong nalimutang pasalamatan. Sila ang mga personalidad na humubog at kumalinga sa buong buhay UP ko. Sila ang mga taong nakilala ko sa UP at mga taong kilala ko na bago pa ako tumapak sa UP. Sila ang mga taong naging insiprasyon ko sa buong apat na taon ko sa UP. Salamat sa inyo, kilala nyo na kayo.

Subalit sa bahaging ito ng aking blog post, nais ko lamang magbanggit ng ilang tao upang pasalamatan at magpaalam.

Salamat Criselda. Kahit sandali lang tayo nagkakakilala, lahat ng sandali na magkasama tayo ay tumatak sa puso ko. Maraming salamat soulmate! Kahit minsan borderline creepy ang ating pagmamahalan (ayieee~~), salamat kasi lagi mo ako in-encourage lalo na sa pag-fangirl. Salamat kahit di tayo productive dalawa pag magkasama tayo. Masaya naman tayo. Salamat kasi kahit nasa ibang bansa ka, alam kong hindi mo ko makakalimutan. Love you! Paalam na rin, Criselda. Dito na nagtatapos ang paglalakbay ko bilang estudyante ng UP. Paalam dahil di tayo magkikita sa loob ng mahabang panahon. Paalam sapagkat di tayo nakapag-uusap. Pero kahit ganun, asahan mo na sa araw ng pagbalik mo, gagawa ako ng paraan para makita ka! (Thank you, Criselda. Even if we’ve only known each other for a short period of time, every moment with you has been etched in my heart. Thank you very much, soulmate! Even if our love –very platonic love – is borderline creepy, I still thank you because you always encourage me, especially on my fangirling. Thank you even if we aren’t productive when we’re together. We’re still happy and having fun! Thank you because even if you’re abroad, I know you don’t forget about me. Love you! Farewell, Criselda. This marks the end of my journey as a UP student. Farewell because we won’t see each other for a long time. Farewell because we won’t speak to each other. Yet even if that’s our case, rest assured that when you go home, I will try my best to meet you!)

Salamat kina Raiza at Koleen. Salamat na kahit mahirap ay sama-sama tayong nagtagumpay sa ating thesis, at huling taon sa UP. Salamat sapagkat naging kabahagi kayo ng aking paglalakbay bilang mag-aaral ng UP. Salamat na kahit minsan iritable ako, kayo pa rin ang kasama ko. Oo nga at ngayong ika-apat na taon na lang tayo nagkasama subalit ito ang pinakamahalaga para sa akin. Sama-sama tayong naging masaya, sama-sama tayong naghirap at sama-sama tayong nagtagumpay! Paalam, Raiza at Koleen! Sa Linggo, haharap tayo sa panibagong yugto ng ating buhay. Sa ating pagharap sa kinabukasan, isa lang ang hiling ko. Sana ay hindi natin malimutan ang isa’t isa, ang ating pagkakaibigan. Anuman ang ating kaharapin, sana dumating ang araw na aalalahanin natin ang mga pagkakataong magkakasama tayo. Salamat!

At higit sa lahat, salamat Nay. Alam kong alam mo na mahal na mahal kita. Salamat Nanay sa lahat ng paghihirap. Salamat Nay sapagkat ramdam na ramdam ko na ang lahat ng paghihirap mo ay para sa akin. Asahan mo Nay, balang araw masusuklian din kita. Kayo ni Daddy at ni Ate. Salamat.

Ilang araw na lang ang nalalabi at haharap na ako sa aking kinabuksan. Real world, here I come. Pero bago ang lahat, nais kong magpasalamat sa UP. Salamat sa pagkalinga at paghubog sa aking isipan at pagkatao. Hindi ko kalilimutan ang pagiging Iska ko, nasaang panig man ako ng mundo. Salamat, UP!

No comments:

Post a Comment